Unang umaga ng bakasyon, nakadungaw si Morlie sa kanilang bintana. Malalim ang kanyang iniisip wari mo’y naghahanap ng karayom sa buhangin. Tila ba may malaking problema siyang dapat lutasin at habang siya’y nakadungaw sa bintana ay may narinig siyang sumisitsit. Binuksan niya ang nakaumang na bintana. Tumambad sa kanya si Rina ang
kanyang kaibigan mula pa noong sila ay mga bata pa. Si Rina ang naging una niyang
kaibigan simula ng sila ay lumipat sa lugar na iyon. Ang kilos at salita ni Rina ay parang sa lalake at ganoon din sa kanyang pananamit pero kung titignan mong maigi ang kanyang itsura at katawan talaga naming panalo. Magkatapat lang ang kanilang bahay at magkaharap din ang kanilang bintana ng kanilang kwarto. “Pssst! Ano bayan yan? Di ko mapinta ang mukha mo parang ginusot na mukha ni Mike Enriquez Hahaha”, paasar na sigaw na sabi ni Rina. Hindi kumibo si Morlie, sumimangot lang ito at sabay alis sa bintana. “Pikon talaga yon hehe”, bulong ni Rina. Hindi naman talaga nagalit si Morlie kundi ay iniwasan lang nito ang pang-aalaska ni Rina. Dumiretso sa kusina si Morlie para mag-agahan pero mukhang naubusan siya ng pagkain dahil wala na siyang nadatnan sa lemesa kundi ang mga hugasan sa lamesa. Kaya naman naghanap siya ng makakain. Buti na lang ay may nakita siyang isang sardinas at tatlong itlog sa cabinet pero bago magluto ay naghugas siya ng mga pinagkainan ng kanyang mga kapatid na babae. Apat lang silang nakatira sa kanilang bahay dahil ang kanyang Ama ay namatay na dahil sa pagiinom at paninigarilyo samantalang ang kanyang ina naman ay nasa ibang bansa bilang OFW. Dahil siya ang panganay sa apat na magkakapatid at nag-iisang lalake siya ang naging pangalawang magulang ng mga ito. Nageksperimento siya ng luto. Hiniwalay niya ang sabaw ng sardinas at ang isda. Dinurog niya ang laman ng isda at hinalo sa binating itlog. Ang sabaw naman ay hinalo sa sinangag na kanin. Pagkalipas ng mga ilang minuto ay naluto na nga ang kanyang agahan at makakakain na rin siya. Pagkatapos kumain ay naligo at pumunta siya sa kanyang tambayan sa isa pa niyang kaibigan si Onek. Sa kabilang kalye lamang ito nakatira at may sariling computer shop. Si Onek ay isang guro din na katulad ni Morlie at bukod sa pagiging guro ni Onek may sarili siyang computer shop kaya naman meron siyang pwedeng pagkaabalahan at pwedeng pagkakitaan tuwing bakasyon. Samantalang si Morlie ay wala. Pagpunta niya doon ay nadatnan niya si Rina nagcocumputer pero d niya muna ito kinibo total hindi naman siya nakita nito. Dumiretso siya agad kay Onek sa computer server. “Oh pre musta? Nu balita?”, pahayag ni Onek. “Ok naman pare, nga pala baka naman meron kang raket na mabibigay sa akin? “, tanong ni Morlie. “Ganon ba? Meron pare gusto mo sa iyo na lang tong nagpapatutor sa akin. Gusto kasi nung nanay nung bata mag-advance study iyong anak niya para hindi mahirapan sa Math at Science. Eh ngayong pasukan magfofourth year na anak nya”, sagot ni Onek. Agad naman niya itong tinanggap dahil nga kailangan niya ng pera at ito na ang makakalutas ng kanyang problema. Tinext na nga ni Onek ang nanay ng magpapatutor sa kanya at sumagot naman ito. Pinapupunta sila sa makalawa para maipakilala si Morlie sa nanay ng magpapatutor. -abangan-